MANILA, Philippines — Mahigit 5.39 milyong mahihirap, near-poor at low-income households na ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ng pamahalaan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Lunes, Agosto 17, na mahigit P10.79 bilyon na ang naipamahagi sa mga benepisyaryo ng programa. Target ng UPLIFT na maabot ang nasa 7.5 milyong sambahayan.
Sa Group 1, nakatanggap na ng one-time P2,000 top-up assistance ang 3,200,583 households na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
Nilinaw ng DSWD na isang beses lamang matatanggap ng 4Ps at Walang Gutom beneficiaries ang naturang UPLIFT top-up, bukod pa sa regular nilang benepisyo sa nasabing mga programa.
Para naman sa Group 2, nasa 1,391,849 poor at near-poor households na tinukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority ang nakatanggap na ng kanilang July assistance.
Ayon sa DSWD, isinasagawa muna nang manual ang unang payout sa mga benepisyaryong ito bago ilipat sa digital payment ang mga susunod na ayuda. Ang Group 2 beneficiaries ay nakatakdang makatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre 2026.
Samantala, 802,216 low-income SSS members sa Group 3 ang nakatanggap na rin ng kanilang unang P2,000 cash assistance. Kabilang din sila sa mga itinakdang tumanggap ng buwanang ayuda hanggang Disyembre, alinsunod sa expanded UPLIFT program.
Inilunsad ang UPLIFT bilang whole-of-government response upang tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makayanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan na iniuugnay ng pamahalaan sa kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ng DSWD na patuloy nitong binibilisan ang payout, partikular para sa Group 2 beneficiaries na nangangailangan pa ng manual distribution bago tuluyang lumipat sa digital na sistema. Santi Celario