BACOLOD CITY — Tatlong hinihinalang high-value drug personalities ang naaresto habang nasa P5.34 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Bacolod at San Carlos City, Negros Occidental mula Agosto 14 hanggang 16.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR), kabuuang 785.87 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa tatlong operasyon.
Pinakamalaki sa mga operasyon ang isinagawa sa Barangay 12, Bacolod City nitong madaling araw ng Linggo kung saan naaresto ang 21-anyos na alyas “Jo,” isang virtual assistant. Nakuha umano sa kanya ang humigit-kumulang 350 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2.38 milyon.
Ayon sa pulisya, lumabas sa kanilang surveillance at validation na nagbebenta umano ang suspek sa Barangays 12, 16 at 35 at iba pang kalapit na lugar sa Bacolod.
Sa San Carlos City naman, naaresto noong Agosto 14 ang 27-anyos na alyas “Ry,” isang store at junkshop owner, matapos makumpiskahan umano ng 335.87 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.28 milyon.
Sinabi ng PRO-NIR na ginagamit umano ng suspek ang kanyang sari-sari store bilang harapan ng kanyang ilegal na aktibidad.
Sa hiwalay na operasyon sa Barangay Alijis, Bacolod City, nahuli rin ang 18-anyos na alyas “Yur” at nasamsam umano ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000. Ayon sa pulisya, dati na siyang nasangkot sa drug case noong 2023 habang menor de edad pa.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong suspek at nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico