MANILA, Philippines — Labing-apat sa 20 suspek o 70% ng mga naaresto kaugnay ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) mula Enero hanggang Agosto 2026 ay mga ina, ayon sa Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC).
Sinabi ni WCPC chief PBGen. Maria Sheila Portento sa press briefing nitong Lunes, Agosto 17, na mas mataas ito kumpara noong 2025, kung kailan 32 sa 50 naaresto o 64% ang mga ina.
“Nakakalungkot lang isipin na supposedly, mothers are the first line of defense of protection ng security ng mga bata pero dito sa kasong ito, sila ‘yung mga nagiging bugaw, sila ‘yung mga nagiging offenders,” ani Portento.
Ayon sa opisyal, kabilang ang kahirapan sa mga salik na nakikita sa ilang OSAEC cases, ngunit hindi umano ito ang nag-iisang dahilan. Binanggit din niya ang malawak na internet access, madaling paraan ng digital payment at kakayahan ng maraming Pilipino na makipag-usap sa Ingles, na maaaring gamitin ng mga dayuhang offender upang makipag-ugnayan sa local facilitators at mga biktima.
Binigyang-diin din ni Portento ang pangangailangan ng pangmatagalang psychosocial intervention sa mga naililigtas na bata. Ayon sa kanya, may mga dating biktima ng sexual exploitation na maaaring muling mapasok sa cycle ng pang-aabuso bilang facilitator kapag hindi nabigyan ng sapat na intervention.
Mula nang maitatag noong 2019, nakatanggap na ang Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) ng 707 OSAEC referrals, na humantong sa 364 operasyon, 202 arrests, 64 convictions ng local facilitators at pagkakasagip sa 944 biktima, ayon sa PNP.
Sa 401 kasong partikular na ini-refer sa WCPC, 151 operasyon ang naisagawa, na nagresulta sa 126 arrests, 56 convictions at pagkakasagip sa 583 biktima. Nakapagtala rin ng 27 convictions laban sa foreign nationals sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa international law enforcement agencies.
Ang OSAEC at paggawa, pamamahagi, pag-iingat at pag-access sa child sexual abuse or exploitation materials ay saklaw ng Republic Act No. 11930, na nagtatakda ng mas mahigpit na proteksyon sa mga bata laban sa sexual abuse at exploitation gamit ang internet at iba pang information and communications technology. Dave Baluyot