Home METRO 5-anyos bata nangaroling; ginahasa, pinatay ng ‘adik’ sa Batangas

5-anyos bata nangaroling; ginahasa, pinatay ng ‘adik’ sa Batangas

530
0

BATANGAS, Philippines – Isang limang taong gulang na batang babae ang umano’y ginahasa at pinatay sa lungsod na ito noong Biyernes, Disyembre 19.

Kinilala ng pulisya ang biktima sa pangalang Nene.

Ayon sa imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng bata na nakasiksik sa loob ng isang sako sa gilid ng kalsada sa Barangay Santa Maria, matapos itong makita ng isang residente.

Huling nakitang buhay si Nene noong Biyernes habang namamasko o nagka-caroling. Hindi na siya nakauwi kaya humingi ng tulong ang kanyang pamilya sa barangay upang siya ay hanapin.

Sa follow-up operation ng pulisya, lumabas sa closed-circuit television (CCTV) footage na pumasok ang bata sa bahay ng dalawang lalaki na kinilalang sina Leo at Jay.

Kalaunan, nakita sa CCTV si Leo na lumabas ng bahay habang may bitbit na puting sako, dahilan upang siya ay isailalim sa pagtatanong ng pulisya.

Umamin ang suspek na sila ni Jay ang gumahasa at pumatay sa bata, at sinabi niyang nasa impluwensiya sila ng ilegal na droga nang mangyari ang krimen.

Nakuha mula kay Leo ang anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Patuloy pa ang follow-up investigation, at haharap ang mga suspek sa angkop na mga kaso.

Nagpaalala rin ang pulisya sa mga magulang na huwag hayaang mag-isa ang mga bata sa pamamasok o pagka-caroling. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here