Dasmariñas City, Cavite — Patuloy ang isinasagawang retrieval operation ng mga awtoridad para sa isang 5-taong gulang na batang lalaki na hinihinalang tinangay ng rumaragasang baha noong Lunes ng hapon.
Batay sa salaysay ng ina ng biktima na si alyas Mohamad, naglalaro ang kanyang anak sa labas ng kanilang bahay sa Block 56, Datu Esmael bandang alas-3:00 ng hapon noong Linggo nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Dahil dito, biglang tumaas ang tubig sa kalapit na creek at pinaniniwalaang nalunod at tinangay ng agos ang batang estudyante.
Agad na iniulat ng pamilya ang insidente sa mga awtoridad. Mabilis namang rumesponde ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na agad nagsimula ng retrieval operation.
Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa biktima habang umaasa ang pamilya na agad itong mare-rekober. Margie Bautista