SURIGAO DEL SUR, Philippines – Limang suspek, kabilang ang dalawang dayuhan, ang naaresto sa isang illegal mining site sa Barangay Guinhalinan, Barobo, Surigao del Sur noong Pebrero 4, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Kasama sa operasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XIII Enforcement Division at 24 tauhan ng PNP Special Action Force (SAF).
Narekober ang iba’t ibang kagamitan sa pagmimina at materyales, kabilang ang isang pick-up truck, tatlong heavy excavators, hydraulic oil, welding equipment, fuel pump, grinders, shovels, water pump, at isang Starlink set. Ang mga nahuling suspek at nakumpiskang kagamitan ay nasa kustodiya ng Barobo Municipal Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., ang illegal mining ay seryosong krimen na nakakasira sa kalikasan at komunidad.
“Walang puwang sa batas ang mga sumisira sa ating kalikasan. Patuloy ang PNP na makipagtulungan sa DENR at iba pang ahensya para itigil ang ilegal na pagmimina saanman ito naroroon,” ani Nartatez.
Pinayuhan din niya ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pamamagitan ng Unified 911 hotline. RNT/MND