PANGASINAN- Arestado ang limang katao sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation–Dagupan matapos gamitin umano ang isang pekeng land title para makakuha ng P4 milyon na loan mula sa isang complainant sa bayan ng Calasiao.
Ayon sa ulat, nag-apply ang mga suspek ng loan gamit ang property sa Bayambang, ngunit napag-alamang peke ang titulo ng lupa sa beripikasyon ng Registry of Deeds.
Sinabi ni NBI Dagupan agent-in-charge Mert Tello, nagsabwatan ang limang suspek para makakuha ng loan gamit ang isang titulong peke. Nakatanggap sila ng P4 milyon mula sa complainant at humingi pa ng karagdagang P1 milyon kaya’t agad isinagawa ang entrapment operation.
Nahaharap ngayon sa kasong estafa through falsification of public documents sa Provincial Prosecutor’s Office ang mga suspek.
Hinikayat ng NBI ang iba pang posibleng biktima na makipag-ugnayan sa kanila. Mary Anne Sapico