DAVAO – Limang artificial dams na nabuo dahil sa landslides mula sa magnitude-7.8 na lindol noong nakaraang buwan ang naidokumento sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sinabi ni Jayson Hontimara, chief ng planning and research division ng Davao Occidental PDRRMO, na hinarangan ng mga landslide ang mga ilog at sapa sa malalayong bahagi ng bayan, ngunit nananatiling delikado ang pag-drain sa mga artificial dam dahil sa banta ng panibagong pagguho ng lupa at pag-ulan dulot ng easterlies.
Una nang iniulat ng PDRRMO ang pitong artificial dams, ngunit lima pa lamang ang naidodokumento. Hindi pa nararating ang dalawa para sa karagdagang pagsusuri.
“We do not have yet a timeline as to when we can drain these artificial dams because it will depend on the weather conditions,” paliwanag ni Hontimara sa Regional Resilience Caravan sa Davao City noong Biyernes, Hulyo 3, na inorganisa ng Office of Civil Defense-11 at National Disaster Risk Reduction and Management Council-11.
Dalawa sa mga artificial dam ay matatagpuan sa Barangay Butuan, habang ang iba pa ay nasa Barangays Bukid, Camalian, at Sugal sa katimugang bahagi ng Jose Abad Santos, ang pinakanaapektuhang bayan sa Davao region.
Noong nakaraang linggo, na-drain ng PDRRMO at mga volunteer mula sa iba’t ibang ahensya ang pinakamalaking artificial dam na nakabuo ng lawa sa mountainous village ng Barangay San Isidro. Dahil sa laki nito, nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng preemptive evacuation sa downstream Barangay Nuing dahil sa pangambang maaari itong bumigay anumang oras sa gitna ng malakas na ulan.
Ayon sa PDRRMO, ang artificial lake ay may lalim na humigit-kumulang 20 talampakan at lawak na nasa 12 ektarya.
Sinabi ni Hontimara na patuloy pa ang validation upang matukoy ang laki ng natitirang artificial dams at bilang ng mga residenteng apektado.
Walong katao ang nasawi, 40 ang nasugatan, at 13 pa ang nawawala sa Jose Abad Santos dahil sa lindol. Ayon sa lokal na pamahalaan, landslides ang sanhi ng mga nasawi.
Umabot sa 6,700 bahay ang nasira, kabilang ang 2,648 na totally destroyed. Apektado rin ng pagyanig ang 22,576 pamilya, habang hindi bababa sa 4,000 ang nananatili sa evacuation centers. RNT