MANILA, Philippines – Ipinaubaya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Office of the Ombudsman ang desisyon kung gagawing state witness si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
“Again, it’s up to the Ombudsman to decide on how to proceed with all of these investigations,” ang sinabi ni Pangulong Marcos nang hingan ng reaksyon sa naging hakbang ng Ombudsman.
Ayon kay Marcos, may prerogative si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tukuyin kung makatutulong si Bonoan sa mga kasong kinasasangkutan ng iba pang personalidad na inuugnay sa kontrobersiya.
“If he feels that the former Secretary Manny Bonoan will be helpful to the cases with the other people then again to use the word again — it is his prerogative. It is his decision. It is his judgment,” anito.
Binigyang-diin ng Pangulo na malaki ang kanyang tiwala kay Remulla, at sinabing nasa kapangyarihan ng Ombudsman ang mga desisyon kaugnay ng imbestigasyon sa flood control anomaly.
Nauna nang inanunsyo ni Remulla na hihilingin niya sa Sandiganbayan na alisin si Bonoan sa talaan ng mga akusado sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong kickbacks mula sa flood control projects.
Kapwa akusado ni Bonoan sa kasong plunder sina Sen. Jinggoy Estrada, dating DPWH NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, DPWH NCR District Engineer Manny Bumagat Bulusan, at DPWH NCR District Engineer Arturo Lombres Gonzales Jr.
Nahaharap din si Bonoan sa dalawang kasong graft na may kaugnayan sa flood control mess.
Si Bonoan ay nasa ilalim ng hospital arrest sa PNP General Hospital sa Camp Crame mula pa noong Hunyo, matapos itong aprubahan ng Sandiganbayan Fifth Division. Kris Jose