MAINIT na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga newly-designated ambassadors ng Italy, India, Ireland, Finland, at European Union (EU) sa Palasyo ng Malakanyang.
Hangad ng mga ito ang matibay na relasyon sa mga bansa at entities na kanilang kinakatawan.
Sa pagwelcome kay Ambassador-designate Davide Giglio ng Italy, sinabi ng Pangulo na inaasahan niya kay Giglio ang mahalagang ambag sa ‘dynamic relations’ sa pagitan ng Pilipinas at Italy, Umaasa na ang dalawang bansa ay magtulungan para madagdagan at mapalawak pa ang kanilang ‘areas of cooperation.’
“We all, of course, (we) are terribly very grateful to Italy for the show of support. And we consider it not just a show of support for the Philippines, but also to the rule of law and to make it very clear on that we are like-minded states,” ang sinabi ni Pangulong Marcos kay Giglio, tinukoy ang nakatakdang pagbisita ng Italian ships ngayong buwan.
Ipinagdiwang naman ng Pilipinas at Italy ang ika-75 taong anibersayo ng kanilang diplomatic relations noong 2022. Noong nakaraang taon, ang kabuuang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Italy ay umabot sa US$1.2 billion. Ang Italy ay pumwesto sa ‘fourth-largest trading partner’ ng Pilipinas sa European Union, na mayroong mahigit na 500 kompanya sa bansa na may Italian equity.
Ipinresenta naman ni India’s Ambassador-designate Harsh Kumar Jain ang kanyang credentials kay Pangulong Marcos.
Kinilala naman ni Pangulong Marcos ang ‘long-standing friendship’ ng Pilipinas sa India, umaasa naman ang Pangulo na muling pagtitibayin ang commitment ng dalawang bansa na isulong ang malakas at matatag na ‘political, economic, at cultural ties’ sa South Asian country.
Noong nakaraang taon, ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa ay umabot sa bagong taas nito, nalampasan ang US$3 billion mark.
Ang Philippine exports sa India ay lumabis ng US$1 billion, dahilan para ang India ang ’13th biggest export market’ ng Pilipinas noong 2023.
Nananatili namang malakas ang ‘ugnayang tanggulan’ ng India at Pilipinas.
Kamakailan ay inaprubahan ng Department of National Defense ang pagkuha ng Shore-Based Anti-Ship Missile System (SBASMS) para sa Philippine Navy sa pamamagitan ng government-to-government (G2G) deal, ihahatid ang unang batch ng articles sa ilalim ng BrahMos Missile System project na dumating noong Abril.
Samantala, nagpresenta rin kay Pangulong Marcos ng kanilang credentials sina Ambassador-designate Emma Hickey ng Ireland, Ambassador Saija Nurminen ng Finland at Ambassador Mariomassimo Santoro ng European Union. Kris Jose