Home METRO 5 bayan sa Mindoro isinailalim sa state of calamity sa El Niño

5 bayan sa Mindoro isinailalim sa state of calamity sa El Niño

MINDORO- Nasa ilalim ng state of calamity ang limang bayan sa Oriental at Occidental Mindoro na apektado ng El Niño.

Base sa ulat ng lokal na pamahalaan, sa Oriental Mindoro, isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Mansalay at Bulalacao gayundin ang mga bayan ng Looc, Magsaysay, at San Jose, sa Occidental Mindoro.

Sa Mansalay, umabot sa 80% ang apektadong taniman na siyang pangunahing ikinabubuhay ng 1,000 magsasaka habang nag nasa 1,000 pang magsasaka ang isinailalim sa beripikasyon.

Ayon naman sa Municipal Agriculturist, tatlong linggo na ring nasa state of calamity ang Bulalacao at nasa 4,000 magsasaka ang apektado habang nasa 2,000 ektarya ang pinsala ng tagtuyot.

Gayunman, naniniwala naman ang Department of Agriculture (DA) na hindi labis na naapektuhan ang produkto ng palay dahil ang mga apektadong lokalidad ay wala pang 1% ng kabuuang bilang ng mga magsasaka na nagtanim ng palay noong nakaraang taon, kaya malabong maapektuhan din ang pangkalahatang suplay ng bigas at pagkain ng bansa.

Samantala, nagbigay naman ang DA ng P5,000 cash assistance at mga binhi sa mga magsasaka sa Oriental Mindoro.

Sinabi ni Task Force El Nino Assistant Secretary Joey Villarama, na nakakuha sila ng dagdag kaalaman sa kanilang pagsusuri sa mga samahan.

“Ang NIA meron silang equipment para maghanap tayo ng ibang aquifer o balon na pwedeng pagkunan ng tubig,” wika ni Villarama.

Samantala, sinabi ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System na babawasan nila ang suplay ng tubig mula sa Magat Dam sa mga sakahan dahil inaasahan ng NIA na mabilis na bababa ang tubig ng dam dahil sa El Niño. Mary Anne Sapico

Previous articleBebot nahulog sa Recto Underpass, sugatan!
Next articleNilinaw: TP lang ang nagsara, Tape, Inc., buhay pa!