Home NATIONWIDE 5 Chinese, Chinese-Filipino translator inaresto sa dredging ship

5 Chinese, Chinese-Filipino translator inaresto sa dredging ship

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang limang Chinese national at isang Chinese-Filipino translator na hinihinalang illegal na sumakay sa isang dredging ship.

Hinalughog ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bawat sulok ng motor vessel na Sangko Uno at nagtalaga rin ng K-9 unit upang masiguro na walang illegal na droga sa loob ng barko.

Nadiskubre na mayroong anim na nagtatagong pasahero sa loob ng MV Sangko Uno.

Dahil dito ay hinarang ng PCG ang dredging ship na patungo sana sa Mindoro matapos mapag-alaman na may mga ‘undeclared passenger’ ito sa manipesto.

Obligado ang bawat passenger vessel na ideklara ang lahat ng pasahero nito sa Master’s Declaration of Safe Departure (MDSD).

“May intention sila to deceive eh. Baka may immigration law tayong na violate at yung MDSD is a public document so falsification of public document agad yun,” ayon kay Coast Guard Captain Vicente Laca, commander ng Coast Guard Station Manila.

Nagsagawa ng body search ang mga awtoridad at pinosasan ang limang Chinese at ang kanilang Chinese-Filipino translator.

Sa inisyal na imbestigasyon, tourist visas lang ang hawak ng mga naarestong Chinese.

“Hindi ko alam saang lumalop sila nanggaling. Pinapunta sila dito kasi walang marunong mag operate ng dredging equipment dito. Hindi naman sila nagtatrabaho, ituturo lang nila,” ayon sa translator.

Inaalam na rin ng PCG ang posibleng pananagutan ng kapitan at iba pang opisyal ng barko, maging ng pamunuan nito.

Ayon naman sa kapitan ng barko, sinabihan siya ng pamunuan nito na tutulungan sila ng mga lalaking Chinese sa kanilang operasyon.

Dadalhin ang limang Chinese at Chinese-Filipino translator sa PCG detention facility sa Taguig. RNT/JGC