MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Parañaque City ang limang Chinese nationals matapos umanong ilegal na ikulong ang kapwa nila Chinese national, ayon sa NBI nitong Miyerkules.
Batay sa pahayag ng NBI, isinagawa ang pag-aresto noong Marso 31 matapos magreklamo ang isang kaibigan ng biktima na umano’y ikinulong mula Marso 29 sa isang residential house sa Parañaque.
Agad na naglunsad ng rescue operation ang NBI sa lugar matapos makumpirma ang reklamo, na nagresulta sa matagumpay na pagsagip sa biktima at pagkakaaresto sa mga suspek na positibong kinilala umano ng biktima bilang kanyang mga dumukot at nanakit.
Ayon sa NBI, natuklasan na pinilit umano ang biktima na sumali sa online love scam na pinamamahalaan ng isang nagngangalang “Boss Aping,” at siya rin ay sinaktan at binantaan ng kamatayan kapag nagtangkang tumakas.
Dinala na ang mga suspek sa Parañaque City Prosecutors’ Office para sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa Article 267 (illegal detention) ng Revised Penal Code. RNT/MND