Home METRO 5 dedo sa ihi ng daga sa Baguio

5 dedo sa ihi ng daga sa Baguio

BAGUIO CITY – Umabot sa limang katao ang patay dahil sa leptospirosis na nakukuha sa ihi ng mga daga bunsod ng pagbaha na naitala ng City Health Services Office (CHSO) dito sa nasabing lungsod.

Batay sa naitala ng CHSO, lumalabas na may 45 na tinamaan ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Setyembre 22, 2023.

Sa naturang bilang, 38 dito ang lalaki at pito ang babae na nagkakaedad ng isa hanggang 45.

Nagbabala naman ang CHSO na maaari pang tumaas ang bilang ng mga tinataman ng nasabing bacterial infection.

Nabatid na karamihan sa mga tinamaan ng leptospirosis ay sa mataong Barangay Irisan na may 11 kaso, na sinundan ng Bakakeng Central, Asin Road, Lourdes Subdivision Extension na may tig-tatlong kaso; ang Cabinet Hill-Teacher’s Camp, Fairview Village, Gabriela Silang na may tig-dalawang kaso at ang Aurora Hill Proper, Gibraltar at Santo Tomas Proper na may tig-iisang kaso.

Kasabay ng paghayag ng pagkabahala dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nasawi at tinatamaan ng leptospirosis, pinaalalahanan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang lahat sa lungsod na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at iwasan ang paglusong sa baha upang hindi pasukan ng bacteria ang kanilang sugat mula sa tae at ihi ng mga daga.

Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, masakit na muscles o kalamnan, at namumulang mata sa ibang kaso. Sa malalang kaso, maaaring tamaan ang atay, utak, at magkaroon ng kidney failure, may paninilaw ng buong katawan, makulay na ihi, malabnaw na dumi, at mahinang pag-ihi. Rey Velasco