Home NATIONWIDE Pinaikling SY 2024-2025 ‘di magdudulot ng learning losses – DepEd

Pinaikling SY 2024-2025 ‘di magdudulot ng learning losses – DepEd

MANILA, Philippines – Inamin ng Department of Education (DepEd) na mayroong mga pagsubok sa panukalang paikliin ang School Year 2024-2025 para maibalik agad ang April-May school break, sabay-sabing kailangan nilang gumawa ng mga pamamaraan upang hindi ito magresulta sa karagdagang learning losses sa mga estudyante.

Ipinaliwanag ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na paiikliin ang susunod na school year para maibalik ang pre-pandemic school calendar.

Ang bilang ng school days ay mababawasan mula sa 180 ay gagawing 165.

“Because of the shortening of the school year, masho-shorten din natin ang contact days sa mga mag-aaral [we will also shorten the contact days with the students], then we will have to cope with the possible non-covering of some competencies,” pagbabahagi ni Bringas.

“So, magiging mas puspusan ngayon ang ating mga measures to make sure na ‘yung lahat ng competencies natin for a given grade level ay mako-cover natin in a shorter period of time,” dagdag niya.

Nitong Martes, Mayo 7, sinabi ng DepEd na ipinanukala nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagtatapos ng School Year 2024-2025 ay Marso 31, 2025 upang ang susunod na school year ay magsimula na ng Hunyo 2025.

Isinagawa ang panukala kasunod ng mga panawagan na agaran nang ibalik ang April-May school break.

Ani Bringas, gumagawa na ng interbensyon ang Curriculum and Teaching Strand ng DepEd para sakupin ang lahat ng competencies sa bagong MATATAG K-10 curriculum sa kabila ng maikling panahon ng school year.

“[This is] to make sure na hindi madadagdan o magkakaron pa ng additional learning loss kapag nag-shorten tayo ng ating school year,” anang opisyal. RNT/JGC