Home METRO 5 estudyante, 1 pa sugatan sa bumagsak na kisame ng silid-aralan sa...

5 estudyante, 1 pa sugatan sa bumagsak na kisame ng silid-aralan sa Davao City

289
0

DAVAO CITY, Philippines – Sugatan ang anim na katao kabilang ang limang mag-aaral sa ika-apat na baitang at ang kanilang guro, matapos bumagsak ang kisame ng isang silid-aralan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay Marites Cañeda, guro ng Grade 4, ng Lapu-Lapu Elementary School sa Agdao, Davao City, naganap ang insidente bandang 9:55 AM sa Room 12, ikatlong palapag ng gusali noong Martes.

Aniya, nagsasagawa siya ng klase sa 40 mag-aaral nang bigla na lamang bumigay ang kisame ng silid.Mabilis na nakapagkubli sa ilalim ng mga mesa at gumapang palabas ng silid ang mga bata.

Ayon sa guro, agad niyang pinasunod ang mga estudyante sa “duck, cover, and hold” drill na kanilang natutunan sa mga earthquake preparedness training.

“Tinanong ko pa sila kung alam nila ang gagawin — agad silang kumilos habang sinisikap kong hawakan ang gitnang bahagi ng kisame para hindi tuluyang bumagsak,” ani Cañeda.

Pawang minor injuries lamang ang tinamo ng mga mag-aaral at agad silang nabigyan ng first aid at stress debriefing sa paaralan.

Ang gusali ay itinayo sa panahon ni dating Rep. Vincent Garcia, ayon sa ulat ng paaralan na agad namang ipinasa sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Rep. Omar Vincent Duterte, agad siyang nagpadala ng team na pinangunahan ni Barry Dingal upang siyasatin ang pinsala at makipag-ugnayan sa mga ahensiya.

Nabatid na may ₱18 milyon nang nakalaan sa DPWH–Davao para sa mga proyekto ng pagkukumpuni ng paaralan, kabilang na ang rehabilitasyon ng nasirang kisame.

“Kaligtasan ng ating mga mag-aaral ang pangunahing prayoridad. Sisiguruhin nating agad itong maaaksyunan,” ayon sa opisina ni Rep. Duterte.

Pinuri ng mga opisyal ang mabilis na pagresponde ng guro at mga estudyante, na nakatulong upang maiwasan ang mas malalang pinsala.

Pansamantalang blended learning muna ang ipinatutupad sa mga Grade 4 students at iba pang nasa ikatlong palapag hanggang matiyak na ligtas nang gamitin ang gusali. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here