MANILA, Philippines- Isa ang sugatan mula sa limang kabataang estydyante na pinaulanan ng bala ng 30-anyos na lalaking arestado, napaulat kahapon sa Valenzuela City.
Ang suspek na positibong kinilalang si alyas “Piko” ang siyang namaril sa mga kabataan kasama ang dalawang wala pang pagkakakilanlan.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nagkukuwentuhan ang mga biktimang sina alyas “Ayong” 15, alyas “Boying”, 17, alyas “Caloy”, 19, alyas “Dadong” 16, at alyas “Egoy”, 13, sa San Simon Angeles Ext. Brgy. Gen. T. De Leon dakong alas-10:56 nang dumating ang suspek, kasama ang dalawa pa.
Bumunot ng baril si Piko at dalawang beses pinaputukan si alyas Boying na kanyang target na patayin dahil sa pagkakaroon nila ng alitan noon pang Disyembre ng nagdaang taon subalit hindi tinamaan ang biktima.
Nagpulasan ng takbo ang mga biktima subalit pinaulanan sila ng bala ng suspek hanggang tamaan si alyas Ayong sa kanyang puwitan.
Nakahingi ng tulong ang mga biktima sa mga tauhan na barangay na nagdala kay Ayong sa Valenzuela Medical Center bago nila ini-report sa pulisya ang pangyayari.
Kaagad iniutos ni Col. Cayaban sa mga tauhan ang pagtugis sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip kay Piko sa kanyang tirahan sa Brgy. Parada, subalit hindi nabawi sa kanya ang ginamit na hindi pa batid na uri ng baril habang tinutugis pa ang dalawa niyang kasama. Merly Duero