MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang limang indibidwal kabilang ang tatlong hinihinalang drug personalities nang maaresto sa magkakahiwalay na operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang matiyempuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Dulalia St., Brgy., Lingunan ala-1 ng madaling araw.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 6 bago inaresto at nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Jose”, 18.
Nauna rito, naaktuhan ng mga tauhan ng SS2 ang 30-anyos na kelot na gumagamit umano ng droga sa loob ng isang kubo sa Angeles St., Brgy., Gen. T De Leon dakong alas-3 ng hapon.
Nakuha kay alyas “Josua” ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias kabilang ang aluminum foils at disposable lighters.
Alas-2:30 naman ng hapon nang matiklo ng mga tauhan ng SS5 ang dalawang lalaki habang nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Bukid St., Brgy., Balangkas at nasamsam sa kanila ang perang pantaya, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Jon”, 34. Merly Duero