MANILA, Philippines- Nakapagtala na ang Philippine National Police (PNP) ng limang kaso ng vote-buying sa ilang rehiyon sa bansa, sa nalalapit na May 12 national and local elections.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Randulf Tuaño na ang mga naitalang kaso ng vote-buying ay “pagbibigay ng mga groceries, tinatawag natin na ayuda na kung saan ang pagbibigay ng ayuda or ‘yung mga kauri nito, ‘yung mga TUPAD etc… pinagbabawal ito 10 days before elections.”
Na-monitor ang mga kaso ng vote-buying sa Regions I, IV-A, V, XI, at Cordillera Administrative Region.
“At sa five cases na ito na nangyari ang tao pong suspects na nafile-an ng kaso ay 18 [individuals],” ani Tuaño.
Kasado ang araw ng eleksyon sa Lunes, Mayo 12, kung saan bubuksan ang polling precincts ng alas-5 ng umaga upang makaboto nang maaga ang senior citizens, persons with disability, at mga buntis na registered voters hanggang alas-7 ng umaga.
Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi naman ang regular voting hours.RNT/SA