Home METRO 5 NPA, dedo sa engkwentro sa NegOcc

5 NPA, dedo sa engkwentro sa NegOcc

62
0

NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Limang New People’s Army (NPA) rebelde ang napatay sa engkwentro laban sa 15th Infantry Battalion (IB) sa Barangay Abaca, Cauayan, Negros Occidental nitong Sabado, Mayo 16.

Ayon kay Brig. Gen. Jason Jumawan ng 302nd Infantry Brigade, nagpaputok umano ang mga rebelde matapos rumesponde ang mga sundalo sa ulat ng presensya ng armadong grupo, na nauwi sa palitan ng putok.

Wala namang nasugatan sa panig ng gobyerno, habang patuloy pang kino-verify ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Ilan umanong high-powered firearms ang narekober sa lugar ng bakbakan.

Ayon kay Jumawan, pinaniniwalaang mga natitirang miyembro ito ng dismantled South West Front na sangkot umano sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang impormante ng pamahalaan sa Cauayan, Sipalay City, at Kabankalan City.

Tinatayang nasa 26 na katao na umano ang napatay mula noong Pebrero kaugnay ng mga insidenteng ito.

Ito na ang ikalawang engkwentro ng 15th IB sa NPA sa Cauayan ngayong buwan, matapos ang naunang sagupaan noong Abril sa Barangay Salamanca, Toboso kung saan 19 NPA rebels ang napatay.

Samantala, nagsagawa ng rally ang ilang residente ng Barangay Salamanca upang kondenahin ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Ayon sa 3rd Infantry Division, ang pagtitipon ay simbolo ng pagtutol sa karahasang dulot ng armadong grupo at panawagan para sa hustisya ng mga sibilyang biktima sa Negros Island. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here