MANILA, Philippines- Lima pang Chinese nationals na sangkot sa illegal intelligence gathering na naglalagay sa panganib sa national security ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kasunod ng pag-aresto kay Deng Yuanqing at kanyang kasabwat noong Enero 17, 2025 dahil sa paglabag sa Espionage Act, nagsagawa ng surveillance operation ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa grupo na hinihinalang nakikipagtulungan kay Deng.
Pinaniniwalaang sangkot sa aerial reconnaissance sa pamamagitan ng drone operations ang grupo, nangongolekta ng datos mula sa Philippine naval assets bukod sa iba pa.
Ibinunyag ng intelligence gathering na isang grupo ng mga Chinese national ang binabantayan sa Barangay Buenavista, Puerto Princesa City, na nagpapanggap bilang mga mamimili ng mga produktong dagat, gumagala sa lungsod, at nagsasagawa ng survey para sa mga istasyon na nagbebenta ng mga produkto.
Ang grupo, gayunman, ay nakitang madalas na pumunta sa Ulugan Bay, Puerto Princesa, Palawan, nagsasagawa ng aerial surveillance at reconnaissance, nangongolekta ng imagery intelligence sa Naval Detachment Oyster Bay (NDOB) sa Barangay Bahile, na bahagi ng Naval Forces West (Navforwest) ng Philippine Navy at estratehikong nakaposisyon malapit sa South China Sea.
Bilang tugon sa impormasyon, nagsagawa ang NBI-STF Agents ng validation process at natukoy ang limang miyembro ng grupo na pawang mga Chinese nationals at miyembro ng Qiaoxing Volunteer Group of the Philippines, gayundin ang Philippine China Association of Promotion of Peace and Friendship, Inc., kabilang sina CAI SHAOHUANG a.k.a. Richard Tan Chua (Field Commander), CHENG HAI TAO a.k.a. Lestrade (Intelligence Operative), WU CHENG TING a.k.a. Brawn (Intelligence Operative), WANG YONG YI a.k.a. Watson (PRO & Financier), and WU CHIN REN (Member).
Sa serye ng hot-pursuit operation na isinagawa ng NBI, ang nabanggit na mga Chinese nationals ay sinubaybayan na nagresulta sa kanilang pagkaaresto.
Sa pagsusuri sa kanilang mobile device, natuklasan ang mga larawan ng Buliluyan ports, Coast Guard station, vessels, maliliit na navy crafts/assets, at mga pantalan.
Nakita rin ang iba pang mga larawan tulad ng Del Pilar Class PS 16 ng Philippine Navy, mga mapa ng lupain na tinatanaw ang Subic Bay International Airport, Naval Operating Base Subic, at isang Chinese character na marka na naka-embed sa screenshot na may arrow mula sa Barreto, Olongapo na tumuturo sa Naval Operating Base Subic .
Nadiskubre rin ang mga footage ng Philippine Coast Guard (PCG) Vessels BRP THERESA MAGBANUA, at BRP GABRIELA SILANG, na nakadaong sa PCG-Maritime Safety Service Unit NCR-Cluster. Jocelyn Tabangcura-Domenden