Home METRO 5 phreatic eruptions naitala sa Bulkang Taal – PHIVOLCS

5 phreatic eruptions naitala sa Bulkang Taal – PHIVOLCS

MANILA, Philippines- Umabot sa lima ang bilang ng phreatic eruptions ng Taal Volcano sa Batangas nitong Biyernes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Sabado.

Mula alas-12 ng hatinggabi nitong Biyernes hanggang alas-12 ng hatinggabi ngayong Sabado, na-monitor ng PHIVOLCS ang limang phreatic eruptions sa Taal Volcano, kung saan umabot ang pinakabagong event ng 13 minuto, ayon sa bulletin.

Iniulat ng PHIVOLCS na mayroong apat na discrete phreatic o steam-driven eruption events sa Taal. Naitala ang eruption events ng Taal Volcano Network (TVN) mula alas-9:45 ng umaga hanggang alas-3:22 ng hapon, batay sa VTMC (Main Crater) observation station.

Gayundin, nakapagtala ng 15 volcanic earthquakes kabilang ang anim na volcanic tremors mula alas-12 ng hatinggabi nitong Biyernes hanggang alas-12 ng hatinggabi ngayong Sabado. Umabot ang mga ito ng dalawa hanggang apat na minuto.

Samantala, patuloy na umiiral ang Alert Level 1 sa Taal Volcano, base sa PHIVOLCS.

Iginiit nitong mahigpit na ipinagbabawal ang paglapit sa bulkan o pagpapalipat ng eroplano malapit sa bunganga nito. RNT/SA