MANILA, Philippines – Limang Pilipinong tripulante ng lumubog na barkong Eternity C sa Red Sea ang nasagip matapos umano itong atakihin ng Houthi rebels, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Hulyo 9.
“Na-confirm na nga ng shipowner na lumubog yung Eternity C, at sabay nito may limang tripulante na nasagip, nasa tubig sila, nakita sila ng rescue team at nasagip sila, hinahanap pa ang rest,” ani DMW Secretary Hans Cacdac.
Ayon naman kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, tuloy ang search and rescue para sa iba pang tripulante. May ulat ng hindi bababa sa dalawang nasawi, ngunit hindi pa tiyak ang kanilang nasyonalidad.
“We know of two casualties. We cannot confirm four. We assume they are Filipino,” ani Vega sa isang ulat.
May 22 tripulante ang barko—21 Pilipino at isang Ruso—nang tamaan ito ng drone at rocket-propelled grenades sa karagatang sakop ng Yemen.
Samantala, ligtas naman ang 22 crew, kabilang ang 17 Pilipino, ng isa pang Liberia-flagged na barko, ang MV Magic Seas, matapos ring ma-atake.
Kinumpirma ng shipowner na lumubog ang Eternity C. Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, natagpuan sa tubig ang limang nasagip. Hindi ibinunyag ang kanilang lokasyon para sa seguridad.
Tiniyak din ni Cacdac na may tulong mula sa gobyerno para sa mga pamilya ng mga tripulante, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“With regard to the families, we have engaged them and sinabi ko na rin sa families, pursuant to the directive of the President ay bibigyan sila ng tulong at hindi kami bibitaw hangga’t hindi ganap na naibibigay ang tulong na kailangan nila,” ani Cacdac. RNT