MANILA, Philippines – Patay ang isang indibidwal matapos na araruhin ng wing van ang limang sasakyan sa Batasan – San Mateo Road nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 8 sa Quezon City.
Ayon sa ulat, patay ang 36-anyos na lalaki na sakay ng tricycle na isa sa mga inararo ng wing van.
Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang isa pang sakay ng tricycle na dinala sa ospital.
Sa ulat, nawalan umano ng preno ang wing van.
Batay sa imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5, naunang binangga ng wing van ang isang poste sa lugar, saka ito kumabig pakaliwa at nasalpok naman ang isang kotse at isang SUV, bago tuluyang inararo ang tricycle.
Nadamay sa insidente ang isa pang kotse at isang van.
Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 ang drayber ng wing van na mahaharap sa reklamong reckless driving resulting in homicide, multiple physical injury at damage to property. RNT/JGC