Home NATIONWIDE Mag live-in patay sa palo ng martilyo at pananaksak sa Maynila

Mag live-in patay sa palo ng martilyo at pananaksak sa Maynila

MANILA, Philippines – Patay nang natagpuan ang maglive-in partner sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay 777 sa Sta. Ana, Maynila nitong Biyernes, Nobyembre 8.

Ayon sa kaanak ng biktima, kinausap ito ng kapitbahay para sana katukin sa loob ang kanyang tiyahin.

Bagama’t malakas ang radyo sa bahay ng biktima ay wala umanong sumasagot sa pagkatakot nito.

“Sa unang katok ko pa lang, bumukas na ‘yung pinto kasi hindi naman siya naka-lock e. Pagtulak ko, bumungad na agad sakin ‘yung bangkay ng tita ko. Kaya sa pagkagulat ko, napasigaw ako,” ayon sa kaanak, sa panayam ng ABSCBN News.

Dito na humingi ng tulong ang kaanak sa barangay at natuklasan na hindi lamang pala ang tiyahin nito ang natagpuang patay kundi mayroon pang isang pinatay.

Nakita sa loob ng banyo ang bangkay ng kinakasama ng babaeng biktima.

Pawang may tama ng saksak ang mga biktima at nakita rin ang isang martilyo na may bahid ng dugo sa crime scene.

Bago mangyari ang krimen, napag-alaman sa CCTV na may dalawang lalaking pinatuloy ang mga biktima sa kanilang bahay nitong Huwebes ng gabi.

Makalipas ang ilang minute ay biglang tumakbo ang dalawang lalaki hanggang sa makalabas ng eskinita.

Aminado ang kaanak ng biktima na kilala nila ang naturang suspek pero blangko pa rin sila sa motibo ng pagpatay.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen. RNT/JGC