Home NATIONWIDE 5 tigok sa sunog sa Tondo

5 tigok sa sunog sa Tondo

MANILA, Philippines – Lima ang patay sa sunog na naganap sa isang residential area sa Tondo, Maynila isang araw bago ang pagsapit ng Bagong Taon.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog pasado alas 10 ng gabi ng Lunes sa Malvar Street kanto ng Varona St sa Tondo, Maynila.

Posible umanong hindi na nagawang makalabas pa ang mga residente nang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng 3-storey residential house dahil sa makapal na usok habang kasagsagan ng kanilang pagtulog.

Napag-alamang pag-aari at inuukupan ng pamilya ni Gil Aguilar ang nasabing bahay.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na idineklarang fire out alas 11:25 ng gabi.

Tinatayang aabot naman sa humigit-kumulang P150,000.00 ang naging pinsala sa sunog.

Naging malungkot naman ang pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga nasunogang pamilya na nadamay matapos silang mawalan ng tirahan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)