MANILA, Philippines – Nagsagawa ng surprise inspection ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa Divisoria sa Maynila partikular sa mga tindahan na nagbebenta ng paputok nitong Lunes ng hapon.
Pinangunahan ni Manila Police District Deputy District Director PCol. Emil Tumibay ang inspection sa mga tindahan ng paputok upang malaman kung sumusunod ang mga ito.
Ilan naman sa mga vendor ang naaktuhan na nagbebenta pa rin ng mga paputok lalo na sa mga mahigpit na ipinagbabawal.
Ayon kay Tumibay, nasa 500 mga illegal firecrackers ang kinumpiska sa mga nakalipas na araw at ito ay nadagdagan pa matapos ang kanilang sorpresang inspeksyon.
Pagtitiyak ng MPD na mas maiigtingin pa nila ang pagbabantay laban sa mga illegal na paputok at ang mga mahuhuling nagbebenta ay sisiguraduhing mahaharap sa kaukulang reklamo.
Giit ni Tumibay mas epektibo daw ang kampanya nila kontra illegal na paputok kung ikukumpara daw sa nakalipas na taong 2023 kung saan mas marami ang mga nahuling lumabag na nagbebenta ng illegal na paputok. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)