Bulacan – Arestado ng mga pulis ang limang indibiduwal nang mahulihan ng P34,000 halaga ng iligal na droga sa isang tiangge sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) nitong gabi ng Setyembre 16.
Sa ulat ng SJDM police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas Joey, 56, Kambal, 39, Makmak, 31, Regie, 28 at Hapon, 39.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga parak ng istasyon sa isang “shabu tiangge” sa Brgy. Bagong Buhay 1.
Ayon sa ulat, nahuli ang mga suspek nang magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa poseur buyer kapalit ang P500 marked money.
Nasamsam sa operasyon ang marked money at limang karagdagang sachets ng hinhinalang shabu na may kabuuang timbang na limang gramo at nasa halagang P34,000.
Sinasabing talamak ang bentahan ng iligal na droga sa nasabing lugar kaya agad inaksyunan ng istasyon, ayon na rin sa ulat.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso na nasa kustodiya na ng nasabing istasyon. Dick Mirasol III