Home METRO 5 turista tiklo sa shoplifting sa Cebu

5 turista tiklo sa shoplifting sa Cebu

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang grupo ng mga lokal na turista na nagtungo sa Cebu para mag-shoplifting kasabay ng pagdiriwang ng Sinulog.

Ayon sa pulisya, ang mga ito ay nagnanakaw sa iba’t ibang establisyimento sa iba’t ibang bahagi ng probinsya hanggang sa maaresto ito noong Linggo ng hapon, Enero 12 sa isang supermarket sa Barangay Bulacao, Talisay City.

Kinilala ang mga naaresto na sina Carmelita May Padilla Doriano, 20, Halid Panansar Datuimam, 27, Hilda Mamaril Tomilas alyas “Tala,” 50, Milden Pelejero Muñoz, 37, at Gina Oliva, 59.

Sina Doriano at Datuimam ay mula sa Baguio City habang ang tatlo iba pa ay mula sa Malabon City.

Ani Police Lieutenant Colonel Epraem Paguyod, hepe ng Talisay City Police Station, ang mga suspek ay naka-detain sa custodial facility habang inihahanda ang paghahain ng reklamo ng theft laban sa kanila.

Habang sumasailalim sa interrogation, aminado ang mga suspek na nasa Cebu sila para manamantala ng mga aktibidad.

Hindi umano sila nagdalawang-isip na mag-shoplift dahil maluwag lamang ang seguridad.

Kabilang sa mga narekober ay mga bote ng shampoo, pakete ng mga kape, snacks, baterya at razor. RNT/JGC