MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Department of Health (DoH) Secretary Teodoro Herbosa na tiyakin na hindi mahihinto ang paghahatid ng serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa paglagda sa 2025 national budget noong Disyembre ng nakaraang taon, siniguro ng Pangulo na ipagpapatuloy ng PhilHealth ang pagbibigay ng ‘uninterrupted services’ sa kabila ng matatanggap na zero subsidy mula sa budget.
“Make sure that services of PhilHealth remain unhampered … it (zero budget) should not affect the delivery of healthcare services,” ang atas ni Pangulong Marcos kay Herbosa sa isinagawang pagpupulong, araw ng Martes, Enero 14, sa Palasyo ng Malakanyang.
Muli namang inulit ng Pangulo ang commitment ng administrasyon na iprayoridad ang social services sa 2025 national budget, pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang sektor gaya ng edukasyon, kalusugan, economic services, imprastraktura at agrikultura.
Sa kabilang dako, hinikayat ni Pangulong Marcos si Herbosa na ilipat na ang pokus ng DoH mula sa “cure to prevention”, binigyang diin na “an ounce of prevention is better than a pound in cure.”
Samantala, binigyang diin naman ng Pangulo ang kahalagahan na i-digitalize ang DoH para maging maayos ang service delivery at kahusayan nito. Kris Jose