MANILA, Philippines — Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang registration at tinanggal sa opisyal na roster ng party-list system ang 50 grupo dahil sa kabiguang makilahok o makakuha ng puwesto sa nakalipas na dalawang halalan.
Nakasaad ang desisyon sa Comelec en banc Resolution No. 11281, na tumatalakay sa cancellation of registration at delisting ng party-list groups, organizations at coalitions.
Sa 50 grupo, 10 ang dinelist dahil hindi nakilahok sa dalawang magkasunod na halalan.
Kabilang dito ang 1 Alliance Advocating Autonomy Party (1AAAP), 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), Agbiag Timpuyog Ilocano Inc. (AGBIAG), Ako Ayoko sa Bawal na Droga (AKO), Filipino Family Party (FFP), Grains Retailers’ Confederation of the Philippines Inc. (GRECON), Ina Na Nagmamahal sa Anak (INANG MAHAL), Isang Lapian ng Mangingisda Bayan Tungo sa Kaunlaran (1-LAMBAT), Luntiang Pilipinas Partylist (LUNTIAN) at One Philippines (1P).
Samantala, 40 grupo naman ang tinanggal matapos mabigong makakuha ng hindi bababa sa dalawang porsiyento ng party-list votes at hindi rin nakakuha ng puwesto sa second round of seat allocation sa nakalipas na dalawang halalan.
Kabilang dito ang A TEACHER, AKO-OFW, ARTE, AHON MAHIRAP, AKO PADAYON, AKTIBONG KAAGAPAY, ARISE, ASAP NA, ANG KOMADRONA, APAT-DAPAT, ABP, PAMILYA MUNA, BABAE AKO, BANAT, BAYAN MUNA, BTS BAYANING TSUPER, BG PARTY-LIST, BOSES, BUHAY at BUNYOG.
Kasama rin sa dinelist ang CLICK PARTY, DIWA, FRONTLINERS ANG BIDA, H.E.L.P. PILIPINAS, HUGPONG FEDERAL, IPATUPAD, LUNAS, MAGDALO, MAHARLIKA, EPANAW SAMBAYANAN, MAAGAP, PAMILYANG MAGSASAKA, PINOY AKO, RAM, TODA AKSYON, TICTOK, TULUNGAN TAYO, TURISMO, UNITED FRONTLINERS at WIFI.
Ayon sa Comelec, ang delisting ay alinsunod sa Party-List System Act at mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga batayan sa pagkansela ng registration ng party-list organizations.
Sa ilalim din ng Comelec rules para sa 2028 elections, maaaring muling maghain ng petition for registration ang isang dinelist na partido ngunit hindi ito maaaring makilahok sa halalang kaagad na kasunod ng pagkaka-delist nito.
Nilinaw din ng poll body na ang Resolution No. 11281 ay hindi hadlang sa posibleng karagdagang cancellation o disqualification cases laban sa ibang party-list groups at kanilang nominees bago ang 2028 national elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden