Home METRO 2 HVI timbog sa P1-M tobats sa Taguig

2 HVI timbog sa P1-M tobats sa Taguig

2
0

TAGUIG CITY — Timbog ang dalawang bagong tukoy na high-value individuals (HVI) matapos makumpiskahan ng mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Hagonoy, Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Rodel Pastor ang mga suspek na sina alyas “Patty,” 26, babae, at alyas “Weng,” 24, kapwa residente ng Barangay Hagonoy.

Ikinasa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng SPD, katuwang ang Sub-Station 9 ng Taguig City Police, ang operasyon dakong alas-7:25 ng gabi nitong Martes, Oktubre 20, sa tabi ng exit road gate patungo sa MRT Avenue sa kahabaan ng Acacia Avenue.

Narekober umano sa dalawa ang apat na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Dalawang sachet, buy-bust money at isang puting mahabang sobre ang nakuha kay Patty habang dalawa pang sachet ang nasamsam kay Weng.

Umabot sa tinatayang 150 gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,020,000.

Nasa kustodiya na ng SPD-DDEU ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang hinikayat ng SPD ang publiko na ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga.

JAMES I. CATAPUSAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here