Home NATIONWIDE DOLE, pinag-aaralan kompensasyon sa workers na magkakasakit sa matinding init

DOLE, pinag-aaralan kompensasyon sa workers na magkakasakit sa matinding init

1
0

MANILA, Philippines — Naghahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC), ng mga panuntunan para mabigyan ng kompensasyon ang mga manggagawang magkakaroon ng work-related illnesses o injuries dulot ng matinding init.

Kabilang sa maaaring masaklaw ang heat stroke, heat exhaustion at heat cramps, lalo na kung mauuwi sa pagpapagamot o pagkakaospital ng manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, naghahanda ang ECC ng circular na maglilinaw sa coverage ng naturang mga kondisyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program para sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Ang hakbang ay bahagi ng paghahanda ng DOLE sa inaasahang matinding epekto ng El Niño at pagtaas ng heat index sa bansa.

Maglalabas din ang kagawaran ng apat na labor advisories na magtatakda ng mga hakbang para maprotektahan ang mga manggagawa laban sa extreme heat.

Kabilang dito ang mga patakaran sa work schedules, pahinga, workplace conditions, kasuotan at iba pang hakbang para mabawasan ang exposure ng mga empleyado sa matinding init.

Partikular na tututukan ang mga outdoor workers gaya ng construction workers, security guards at delivery riders na mas lantad sa mataas na temperatura.

Para sa delivery riders, pinag-aaralan ng DOLE ang pagbibigay ng mas maluwag na delivery rules sa pinakamainit na oras ng araw, partikular mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon.

Sinabi ni Tolentino na hindi dapat maparusahan o mawalan ng insentibo ang mga rider kung maaantala ang delivery dahil kailangan nilang magpahinga o sumilong mula sa matinding init.

Maaari ring payagan ang mga manggagawa na magkaroon ng adjusted o staggered working hours upang maiwasan ang prolonged exposure sa init.

Pinag-aaralan din ng DOLE ang paggamit ng heat-index categories bilang batayan sa mga kinakailangang workplace measures.

Sa mga panukalang guidelines, maaaring magkaroon ng mas mahigpit na restrictions kapag umabot sa mapanganib na antas ang heat index, habang ang extreme danger level ay maaari ring maging batayan sa work suspension, shortened shifts o early dismissal.

Nakikipag-ugnayan din ang DOLE sa Department of Science and Technology at iba pang kinauukulang ahensya upang magkaroon ng malinaw na heat-index alerts at thresholds na gagabay sa mga employer at manggagawa.

Tiniyak naman ni Tolentino na layunin ng mga panuntunan na maprotektahan ang kalusugan ng mga manggagawa nang hindi isinasakripisyo ang kanilang kabuhayan at kita. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here