MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 50 pasahero ang nailigtas matapos lumubog ang isang motorboat sa karagatan sa labas ng Simunul, Tawi-Tawi noong Enero 19.
Base sa ulat na nagkaroon ng butas sa harapan ng motorboat kaya lumipat ang mga pasahero sa likuran ng sasakyang pandagat.
Nang maglaon, lumubog ang bangka at tumalon sa tubig ang mga pasahero, humahawak sa kanilang bagahe at mga walang lamang lalagyan upang manatiling lumulutang. Isa sa mga pasahero ang nagsabing hindi sila nakasuot ng life vest dahil nasa loob sila ng motorboat.
Tumagal nang higit sa isang oras bago sila nailigtas sa tulong ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police, at lokal na pamahalaan ng Simunul.
Ayon sa PCG, hindi kinaya ng bangka ang malalakas na alon. Lahat ng pasahero ay nailigtas at dinala sa ospital para mabigyan ng medikal na tulong.
Samantala, 108 pasahero ang nailigtas matapos ma-stranded sa tubig sa Taganak, Tawi-Tawi noong Enero 16. Ang bangka mula sa Zamboanga City ay nagkaroon ng sira sa makina at na-stranded ng halos anim na araw bago mailigtas ang mga pasahero, kabilang ang isang sanggol na anim na buwang gulang. RNT