MANILA, Philippines – Halos wala pang isang taon nang masunog ang ilang bahay sa Barangay 310 sa Sta. Cruz, Maynila ngunit muli na naman itong nilamon ng apoy nitong Miyerkules ng gabi, Nob. 27.
Nagsimula ang sunog alas 9:41 ng gabi at mabilis ang pag-akyat ng alarma na umabot sa 5th alarm sa loob lamang ng 30 minuto.
Dahil ito sa mga bahay na pawang mga gawa sa light materials at mga barong-barong.
Ang nasunog na residential area ay bakod lamang ang pagitan nito sa Manila City Jail kaya naman may mga person deprived of liberty na inilikas.
Unang naitala ang sunog sa apat na palapag na bahay na pagmamay-ari ni Gerardo Bantay.
Ala-1:49 ng madaling araw ng ideklarang fire under control ang insidente at nasa halos 250 na bahay ang nadamay.
Dalawang sibilyan ang naitalang sugatan kabilang angĀ isang senior citizen na nakaranas ng paso sa katawan, at isang 25-anyos na nahirapan sa paghinga, na kapwa naman nasa maayos na kalagayan.
Tinatayang aabot sa P3,750,000 ang halaga ng pinsala ng nasabing sunog at nasa 500 pamilya o 1,500 na indibidwal ang apektado. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)