Home NATIONWIDE 500 PDL mula NBP inilipat sa Iwahig

500 PDL mula NBP inilipat sa Iwahig

MANILA, Philippines- Nasa 500 persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP) ang inilipat na sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan nitong Biyernes (Abril 12).

Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio P. Catapang Jr. na ang paglipat ng mga PDL sa ibang pasilidad ay bahagi ng patuloy na decongestion program sa NBP para sa tuluyan nitong pagsasara at upang madagdagan ang pwersa ng agricultural workforce sa IPPF.

Sa mga inilipat sa Iwahig, 200 PDLs ay mula sa reception and diagnostic center ng NBP, 150 PDL mula sa maximum security compound at 150 pa galing sa medium security compound.

Ayon kay Catapang, naging maayos at ligtas ang paglilipat sa mga PDL. Nasa 147 corrections officers ang nag-escort sa mga inilipat katuwang ang pwersa ng Muntinlupa Philippine National Police Highway Patrol Group and Skyway Patrol.

Nitong March 16 lamang ay 500 PDL sa NBP ang inilipat sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Panabo City, Davao del Norte.

Nito namang Feb. 8 at March 9, inilipat sa Leyte Regional Prison (LRP) sa Abuyog, Leyte ang 400 PDL.

Bukod pa ito sa 3,259 PDLs na inilipat na sa iba’t ibang prison facilities mula June 2022 hanggang January 2024.

Ang mga inilipat na PDL ay dinala sa DPPF, IPPF, at Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro. Teresa Tavares