Home HOME BANNER STORY 500K katao apektado ng bagyong Goring, Hanna, habagat

500K katao apektado ng bagyong Goring, Hanna, habagat

default

MANILA, Philippines – Tumaas pa ang bilang ng mga residenteng apektado dahil sa bagyong Goring, Hanna at pinalakas na habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa ulat, nasa 514,153 indibidwal o 140,101 pamilya mula sa 1,756 barangay sa buong bansa ang apektado ng magkakasunod na sama ng panahon.

Mas mataas ito sa 418,192 indibidwal o 114,724 pamilya mula sa 1,469 barangay na iniulat na apektado nitong Linggo, Setyembre 3.

Sa 8 a.m. bulletin, sinabi ng ahensya na kabilang sa nasabing bilang ang 3,251 residente na tumutuloy sa mga evacuation center at 10,052 na tumutuloy sa ibang lugar.

Ang mga evacuation center ay matatagpuan sa Ilocos, Central Luzon, Western Visayas, Calabarzon, at Mimaropa.

Samantala, biniberipika naman ng NDRRMC ang ulat na may dalawang nasawi dahil sa bagyo, habang isa naman ang iniulat na nasaktan at isa rin ang nawawala.

Umabot naman sa mahigit P33 milyon ang halaga ng tulong na naipagkaloob na ng iba’t ibang local government units at Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong pamilya. RNT/JGC