MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa 50,000 deboto ang lumahok sa Banal na Misa madaling araw ng Sabado, Enero 18 sa Pagadian City bilang pagkilala sa patron ng lungsod na si Señor Sto. Niño.
Pinangunahan ni Rev. Belstar Ediang, vicar general ng Pagadian diocese, ang misa sa baywalk area ng lungsod.
“This is one of the largest gatherings here in the city. Who had coaxed you to wake up early and be here? We are all gathered here because of one reason, our faith in God,” ani Ediang.
Noong nakaraang taon, umabot sa 20,000 ang mga dumagsa sa dawn mass.
Pinuri naman ni Ediang ang mga mananampalataya sa patuloy na pagpapanatili ng tradisyon mula sa mga naunang henerasyon bilang “a living heritage.”
Matapos ang misa ay idinaos ang fluvial procession na sinusundan ng 100 fishing boats, ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Officer Richard Fabria.
Ang mga lumahok ay ang mga mangingisda mula sa Pagadian at kalapit bayan na Labangan at Dumalinao. RNT/JGC