Home NATIONWIDE 52% suplay ng kuryente sa Isabela, naibalik na

52% suplay ng kuryente sa Isabela, naibalik na

ALICIA, Isabela – Naibalik na ang suplay ng kuryente sa 52% na mga lugar na nasasakupan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1.

Ayon kay ISELCO 1 General Manager Glen Mark Aquino, bahagyang natagalan ang kanilang mga linemen na ibalik ang suplay ng kuryente dahil sa pagbaha na nararanasan sa ilang mga lugar.

Aniya, hirap pailawan ng kanilang mga linemen ang ilang mga barangay sa Angadanan, Cauayan City, Echague, Jones at San Guillermo dahil sa mga baha na dulot ng bagyong Pepito.

Maliban rito ay muli ring natumba ng Bagyong Pepito ang ilang naitayo nang poste ng kuryente kung kayat binabalikan din ito ng ISELCO 1.

Pinaka-apektado ang mga secondary lateral line o ang mga linya ng kuryente na papasok sa mga Barangay.

Prayoridad aniya nilang mapailawan ang mga pangunahing linya ng kuryente habang may susunod namang team na magpapailaw sa ilang mga pook na may natumbang poste ng kuryente.

Matiyaga nilang sinusuri ang mga service drop wires papasok sa mga kabahayan upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.

Target naman nilang mapailawan ang lahat ng mga barangay na nasasakupan ng ISELCO 1 hanggang sa linggong ito. Rey Velasco