Home NATIONWIDE 53 lugar nakaranas ng matinding kakulangan sa ulan nitong Oktubre — PAGASA

53 lugar nakaranas ng matinding kakulangan sa ulan nitong Oktubre — PAGASA

1
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 53 lugar sa bansa ang nakaranas ng mas tuyong kondisyon kaysa karaniwan ngayong Oktubre habang patuloy na lumalakas ang epekto ng El Niño, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa climate forum nitong Miyerkules, sinabi ng PAGASA na mula Oktubre 1 hanggang 18, malaking bahagi ng bansa ang nakatanggap ng below-normal hanggang way-below-normal na pag-ulan, habang near-normal rainfall naman ang naitala sa central Mindanao.

Hanggang Oktubre 19, 14 lugar ang nasa dry condition, 30 ang nakararanas ng dry spell at siyam ang nasa drought condition.

Kabilang sa mga nasa dry condition ang Abra, Batanes, Cagayan, Isabela, Kalinga, Marinduque, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Romblon, Aklan, Antique, Guimaras at Iloilo.

Nasa dry spell naman ang Masbate, Sorsogon, Biliran, Bohol, Capiz, Cebu, Negros Occidental, Northern Samar, Southern Leyte, Agusan del Norte, Basilan, Camiguin, City of Isabela, Cotabato, Davao del Sur, Davao Occidental, Dinagat Islands, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Misamis Occidental, Sarangani, South Cotabato, Special Geographic Area, Sultan Kudarat, Sulu, Surigao del Norte, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay.

Samantala, nakararanas na ng drought ang Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Leyte, Negros Oriental, Samar, Siquijor at Misamis Oriental.

Ayon sa PAGASA, itinuturing na dry condition kapag nakapagtala ng dalawang magkasunod na buwan ng below-normal rainfall o 21 hanggang 60 porsiyentong pagbawas sa karaniwang ulan.

Dry spell naman kapag tatlong magkakasunod na buwan ang may 21 hanggang 60 porsiyentong rainfall reduction, habang drought kapag tatlong sunod na buwan na nakapagtala ng way-below-normal rainfall o mahigit 60 porsiyentong pagbawas sa karaniwang ulan.

Samantala, sinabi ng PAGASA na umiiral ngayon ang strong to very strong El Niño sa tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy ito hanggang unang quarter ng 2027, habang posibleng maabot ang pinakamalakas nitong yugto bago matapos ang 2026.

Gayunman, maaaring maramdaman pa ang epekto nito hanggang unang kalahati ng 2027.

Ipinaliwanag ng PAGASA na ang malakas na westerly wind flow sa central at eastern equatorial Pacific ay nakatutulong sa pagpigil sa pagbuo ng mga ulap at convective activity na maaaring magdala sana ng ulan sa Pilipinas.

Maaari pa ring magdala ng ulan ang mga weather system gaya ng intertropical convergence zone, northeast monsoon o amihan, at mga tropical cyclone.

Inaasahan din ng PAGASA na lalo pang bababa ang ulan pagsapit ng Enero 2027, kung kailan tataas ang posibilidad ng below-normal hanggang way-below-normal rainfall sa maraming lugar.

Babala ng weather bureau, ang nagpapatuloy na prolonged dry spell ay maaaring mauwi sa mas malawak na meteorological drought.

Batay sa kasalukuyang outlook, maaaring makaranas ng drought conditions ang buong bansa pagsapit ng Marso at Abril 2027.

Bagama’t mas posible nang bumalik sa ENSO-neutral conditions sa Abril hanggang Hunyo 2027, sinabi ng PAGASA na maaaring magkaroon ng dalawa hanggang tatlong buwang lag effect ang El Niño kaya posibleng maramdaman pa rin ang epekto nito kahit humina na ang phenomenon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here