MANILA, Philippines — Nanawagan ang Malacañang ng maingat na pagdedesisyon sa mga panawagang paalisin sa bansa si Chinese Ambassador Jing Quan, kasunod ng kontrobersyal nitong mga pahayag tungkol sa kakayahang militar ng China.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nauunawaan ng administrasyon ang matinding reaksiyon ng ilang mambabatas at ng publiko dahil usapin ito ng soberanya at pambansang interes.
Gayunman, sinabi niyang dapat ding isaalang-alang ang posibleng epekto ng anumang hakbang sa mga Pilipinong naninirahan sa China.
“Minsan kapag mainit ang ulo mo, minsan hindi ka nakakapag-isip nang maayos. Although valid ang nararamdaman natin, meron tayong mga kababayan din sa bansang Tsina na dapat din nating protektahan,” ani Castro.
Nauna nang kumilos ang ilang senador para sa isang resolusyong naglalayong ideklara si Jing na persona non grata dahil sa kanyang mga pahayag hinggil sa military superiority ng China at sa naging palitan ng salita nito sa mga opisyal ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Castro na hindi pipigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mambabatas sa kanilang mga hakbang ngunit kailangang pag-aralan nang mabuti ang magiging tugon ng pamahalaan.
“Kung ano at kung paano ito ipatutupad para mas maprotektahan ang ating bansa, ito po ay pag-uusapan. Hindi dapat magpadalos-dalos ng anumang desisyon,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Jing na kung gugustuhin ng China na gumamit ng puwersa ay maaari umano itong madaling manaig, bagama’t idinagdag niyang hindi pipiliin ng Beijing ang paggamit ng dahas.
Dahil dito, ipinatawag ng Department of Foreign Affairs ang Chinese envoy at nagpahayag ng seryosong pagtutol sa kanyang sinabi.
Ayon sa DFA, maaaring ituring ang pahayag bilang banta ng paggamit ng puwersa at hindi ito nakatutulong sa sensitibong relasyon ng Pilipinas at China.
Sinabi rin mismo ni Marcos na mistulang banta ang pahayag ng ambassador at kailangan itong linawin.
Sa kabila ng tensyon, tiniyak ng Malacañang na hindi umaatras ang administrasyon sa pagprotekta sa teritoryo at maritime rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Castro, patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang kakayahan ng bansa habang pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang sa diplomatic dispute.
Wala pa ring nakatakdang opisyal na pagpupulong sa pagitan nina Marcos at Jing.
Samantala, sinabi ng Palasyo na hindi rin dapat matabunan ng kontrobersiya ang iba pang usaping iniimbestigahan, kabilang ang alegasyon hinggil sa umano’y foreign funding na inuugnay kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Castro na kailangan pa itong imbestigahan at hindi pa napatutunayan ang naturang alegasyon. RNT