Home METRO 539 baboy pinatay sa NegOr vs ASF

539 baboy pinatay sa NegOr vs ASF

1
0

DUMAGUETE CITY — Umabot sa 539 baboy ang isinailalim sa culling o depopulation sa Negros Oriental noong Hulyo at Agosto upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Sinabi ni Negros Oriental Provincial Veterinary Office (PVO) officer-in-charge Vernon Lumbania na patuloy na nakapagtatala ng ASF cases sa ilang bahagi ng lalawigan sa kabila ng containment measures.

Batay sa pinakahuling weekly report noong Agosto 28, may aktibong kaso ng ASF sa Valencia, Pamplona, Siaton at Bayawan City.

Sa 539 baboy na na-depopulate, 240 ang mula sa Bayawan City, 145 sa Tanjay City, 58 sa Amlan, 45 sa Siaton, 43 sa Valencia, anim sa Zamboanguita at dalawa sa Pamplona.

Ayon kay Lumbania, kabilang sa mga pinatay ang mga baboy na nagpositibo sa ASF at mga alagang hindi infected ngunit nakasama sa kulungan ng mga tinamaan ng sakit. Hindi naman isinasailalim sa depopulation ang malulusog na baboy na hindi nalantad sa infected animals.

Wala namang bagong kaso na naitala sa La Libertad, Dauin, Mabinay, Canlaon City at Sta. Catalina sa nasabing reporting period.

Gayunman, sinabi ni Lumbania na mayroon nang mga panibagong kaso ngayong linggo sa Bayawan City, Pamplona at Valencia na isasama pa sa susunod na consolidated report ng PVO.

Patuloy rin ang pangongolekta ng blood samples sa mga lugar na nakapagtala ng ASF bilang bahagi ng surveillance at containment operations ng lalawigan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here