Home NATIONWIDE NCRPO magpapakalat ng mas maraming parak sa SONA 2024

NCRPO magpapakalat ng mas maraming parak sa SONA 2024

MANILA, Philippines – Sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na posible itong magtalaga ng mas maraming kapulisan at magpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa  ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo.

Sinabi ni NCRPO chief Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr., na ilang linggo bago ang SONA, na nakatakda sa Hulyo 22 ngayong taon, maghahanda na ang kapulisan ng mga security operations sa Batasang Pambansa sa Quezon City, kabilang ang mga kalapit na lugar at rehiyon.

“If last year it was 22,000 (police deployed), kung pwedeng dagdagan pa, dadagdagan natin. Depende sa sitwasyon o mahahalagang elemento ng impormasyon na patuloy na pumapasok,” ani Nartatez.

“By 2 p.m., klaro na ang kalsada. We don’t even have to use the zipper lane para makapunta at makalabas ng Batasang Pambansa, ay gagawin natin yun,” aniya pa.

Pinaalalahanan din ng NCRPO chief ang mga nagpoprotesta na huwag magsunog ng anumang effigies para hindi makaharap sa anumang kaso.

Kasunod ng ikalawang SONA ni Marcos noong nakaraang taon, nagsampa ng reklamo ang Quezon City Police District (QCPD) laban kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes at iba pa dahil sa pagsunog ng effigy ng Pangulo bilang protesta.

Bilang tugon, tinawag ni Reyes ang reklamo na isang “harassment suit,” at iginiit na hindi siya dumalo sa nasabing rally. Binigyang-diin din niya na walang masama sa pagsunog ng effigy, na sinasabing bahagi ito ng protektadong malayang pananalita. RNT