Home NATIONWIDE Walang destab plot na namumuo sa PNP

Walang destab plot na namumuo sa PNP

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang anumang namumuong destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa hanay nito.

Ito ay matapos sabihin ni dating senador Antonio Trillanes IV na ang mga matataas na opisyal ng pulisya ay nagre-recruit ng mga tauhan para sumali sa plano.

“Una, hindi natin alam kung saan pinanggalingan ni dating senador Antonio Trillanes IV ang kanyang mga pahayag pero sa panig ng PNP, nakausap natin kanina ang chief PNP (Gen. Rommel Francisco Marbil) hinggil sa isyung iyon, at maging ang ating intelligence units dito sa PNP, wala kaming na-monitor na pulis na sangkot dito sa tinatawag na destabilization plot at wala kaming na-monitor na destabilization plot for that matter,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi ni Fajardo na ang ganitong uri ng scheme, gaano man kaliit, ay hindi makakatakas sa validation efforts ng kanilang intelligence units.

“Ang pakiusap natin kay kagalang galang na dating senator Trillanes, please spare the PNP dito sa mga isyu na ito at naka-focus tayo sa pagtupad ng ating mandato,” aniya pa.

Sinabi ni Fajardo sa kanyang mga pagbisita sa iba’t ibang himpilan ng pulisya, pinaalalahanan ni Marbil ang mga opisyal ng pulisya na manatiling apolitical, at binanggit na walang dahilan para sila ay makisali sa anumang plano ng destabilisasyon.

Sinabi rin niya na ang mga pagbisita ni Marbil ay hindi isang kilos ng pagsusuri ng katapatan sa mga hanay.

“Ang kanyang pagbisita sa mga police regional office sa Visayas at Mindanao, gayundin sa NCRPO (National Capital Region Police Office) ay isang regular na kasanayan ng isang bagong inaako na PNP chief. Nagsasagawa siya ng command visits para marinig ng mga ordinaryong pulis sa kanya ang mga polisiya na gusto niyang ipatupad,” ani Fajardo. Santi Celario