Home NATIONWIDE Leave of absence ng WESCOM chief ‘di konektado sa China ‘new model’...

Leave of absence ng WESCOM chief ‘di konektado sa China ‘new model’ issue

MANILA, Philippines – Nag-leave of absence si Vice Admiral Alberto Carlos, commander ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP WESCOM), dahil umano sa personal na kadahilan, ani AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla nitong Martes, May 7.

Gayunpaman, mabilis na itinanggi ni Padilla na ang leave ni Carlos ay kaugnay sa pahayag ng Chinese Embassy na ang AFP WESCOM ay nakipagkasundo sa China sa isang “bagong modelo” para sa pamamahala sa sitwasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

“Hindi siya related… coincidental na lang na nagkasabay lang,” paglilinaw ng spokesperson.

Hindi masabi ni Padilla kung gaano katagal ang bakasyon ni Carlos, ngunit sinabing pansamantalang magsisilbing acting WESCOM chief si Commodore Alfonso Torres Jr.

Walang karagdagang detalye sa dahilan at tagal ng kanyang bakasyon na ibinigay sa media ngunit itinanggi ng AFP na may kaugnayan ito sa mga akusasyon ng Beijing sa WESCOM.

Itinanggi ng AFP ang pag-angkin ng China Embassy ng isang “bagong modelo.”

Sinabi rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang opisyal mula sa administrasyong Marcos ang pumasok sa anumang kasunduan sa gobyerno ng China tungkol sa Ayungin Shoal. RNT