Home NATIONWIDE Pinakamainit na temperatura posibleng naitala na sa Pinas

Pinakamainit na temperatura posibleng naitala na sa Pinas

MANILA, Philippines — Maaaring naitala na ng bansa ang pinakamataas na aktwal na temperatura para sa 2024, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Nagtala ang state weather bureau ng mainit na 40.3 °C sa Tarlac noong Abril 27, at ayon kay Pagasa climate monitoring and prediction section chief Ana Liza Solis, ito ang pinakamainit na temperatura na naitala sa ngayon para sa taon.

Ngunit hindi dapat maging kampante ang publiko, dahil mayroon pa ring 50 porsiyentong posibilidad na magtala ang bansa ng mas mataas na temperatura hanggang sa katapusan ng unang dalawang linggo ng Mayo.

“Sana ay na-attain na natin ang pinaka-hottest, pinaka-mainit na temperatura for these dry and warm season months,” ani Solis sa panayam ng radyo nitong Lunes.

Sinabi rin ni Solis na ang heat index, o ang temperatura na nararamdaman ng katawan ng tao, ay nananatiling alalahanin sa panahong ito. Santi Celario