Home OPINION

LARO NG POLITIKO

AT MGA KALAMIDAD

NAGBABANTAY ang taumbayan sa mga nagaganap sa pulitika at pamahalaan.

Wala raw ba umanong mangyari na kalamidad sa lumiliyab ngayong pulitika at gulo sa pamahalaan?

Napakarami ang mga haka-haka ng mga mamamayan ukol, halimbawa, sa biglaang pagpapalit ng liderato sa Senado mula kay dating Senate President Migz Zubiri patungo kay ngayo’y Senate Pres. Chiz Escudero.

Pero ang mga haka-haka ay nakakabit sa napakaraming isyu at hindi mismo sa pagpapalit.

Para kay Pres. Chiz, simple lang ang paliwanag nito kung bakit may pagpapalit: Nawalan ng kumpiyansa ng higit na nakararami sa liderato ni ex-Pres. Migz.

Pero sa hanay ng mga mamamayan, hindi iyun ang nakikita nila.

May nagaganap umanong laro na maaaring magpabago ng takbo mismo ng gobyerno at ito ang kanilang babantayan.

Lalo’t makaaapekto ito sa buong bayan, at mapait at masaklap kung ikasasama ng kalagayan ng higit na nakararami.

TAGASUNOD NA LANG?

Ang relasyon ng Senado sa Kamara at Palasyo ang ngayo’y nalalantad.

Isang araw lang matapos ang pagpapalit, biglang lumabas ang litratong nakimiryenda ang grupo ni Pres. Chiz sa Malakanyang.

Mula naman sa Kamara, sinasabi ngayon ng ilang kongresman na mas madali nang maaprubahan ang inilalakad nilang Charter change o Cha-cha.

Ang larangang ekonomiya umano ang masasapul sa Cha-cha.

Pero may mga naniniwalang pati pulitikal na usapin ay maaaring maisingit, gaya ng pagpapalit ng anyo ng gobyerno na kontrolado ng iilang makapangyarihan ngayon.

Ang malaking tanong: Tagasunod na lang ba ang Senado sa kagustuhan ng Palasyo at Kamara?

Wala na bang magiging checks and balances sa Kamara at Palasyo na tatak ng masiglan demokrasya?

At kung magkatotoo ito, saan umano patutungo ang bansa?

Karanasan nang kung hahawakan ng iilang pamilya o tao lang ang gobyerno sa matagal na panahon, kalamidad ang ibubunga nito.

Karaniwang malungkot at hindi umuunlad sa buhay ang nakararami at iilan lang ang nagkakaroon ng kasaganaan sa huling mga sandali.

ANG KASAYSAYAN

Lantad na katotohanan ang masamang ibinubunga sa lipunang Pilipino ng kontrol ng iilang pamilya o magkakabarkada o magkakakosa o iilang tao sa gobyerno.

Unang naranasan ng bansa ang pamahalaang kolonyal ng mga Kastila na tumagal ng 333 taon.

Nauwi ito sa napakadugong rebolusyon na hindi na kinakailangang isalaysay pa rito dahil alam lahat na nag-ugat ito sa kalamidad na malawakang paghihirap na bunga ng pagsasamantala ng mga Kastila at mga kakosa nilang mga asendero at iba pa.

Ang 20 taong kasaysayan ng diktaduryang Marcos, kung tawagin ng mga kritiko, ay nauwi rin sa EDSA revolution ngunit hindi naging madugo, bagama’t dumaan rehimen sa madugo ring mga pangyayari.

Tanungin na lang ninyo ang mga biktima at kung paano rin nalugmok sa kalamidad ng kahirapan ang higit na nakararami sa pagsasamantala ng iilan.

Ang kasaysayang dilawan, hindi nakatugon sa inaasahang pagbabago mula sa diktadurya kaya naman, nanatiling lugmok sa buhay, na isang kalamidad, ang higit na nakararami sa pagsasamantala rin ng iilan sa yaman ng bansa.

Winalis sa pulitika ang mga dilawan sa bisa ng halalan na nagsimula kay ex-President Digong Duterte.

Kalamidad din kaya ang naghihintay sa atin sa dulo sa nagaganap sa pulitika at sa pamahalaan ngayon?