Home OPINION MGA PULIS NA MALAPIT KAY C,PNP MAY TAMPO

MGA PULIS NA MALAPIT KAY C,PNP MAY TAMPO

SABI ni Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil, hindi siya magsisibak sa pwesto ng mga nakatalagang regional at provincial director maliban na lang kung may palpak ang mga ito.

Hindi kailangang palitan, aniya, kung effective naman ang panunungkulan ng mga kasalukuyang nakaupo bago pa ang pagtatalaga sa kanya bilang top cop ng bansa.

Noong maupo siya sa trono ng PNP, maraming kaibigan niyang opisyal ang nagparamdam sa kanya subalit dedma lang umano itong si Marbil at kahit pa nga raw kumpare niya at sinabihan niya na “antay-antay lang.”

Pero ang ilang mga opisyal na miyembro ng Tau Gamma Phi ay pawang nagdiwang dahil nakalapit at nakausap umano nila si C,PNP at pinangukuan sila na makapupwesto.

Ang tanong, nakapwesto na ba? Aba’y Abril pa nakausap ang taga-OCPNP pero hanggang ngayon nganga pa rin yung pinangakuan.

Kaya ang mga kaibigan at kumpareng opisyal ni Marbil ay hindi dapat magtampo dahil hindi sila nabigyan ng pwesto. Anong malay n’yo, blessing in disguise dahil baka kung napwesto kayo baka nagkaroon kayo ng malaking salto.

Sabi ng ilang taga Camp Crame, ang pwestuhan ngayon sa PNP ay may katapat na presyo, parang auction lang – highest bidder ang panalo. Kapag nagpakawala ng malaking pera, magandang pwesto naman ang kapalit.

Bakit may presyo? Hindi kaya dahil ang mga nakapwesto ngayon ay pawang tinatapatan din ng halaga ng kanilang posisyon?

Aba’y kapag ganoon, totoong maraming opisyal ngayon ng PNP ang low morale dahil sa malaki ang hirap nila bago maabot ang ranggo at kasalukuyang pwesto na mawawala lang sa kanila dahil sa ang laban ngayon ay pera-pera?

Anong nangyayari na sa PNP? Aba’y panahon na siguro upang kumilos si Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos. Siya na mismo ang dapat kumastigo sa mga nasa hanay ng pulisya na sumisira sa magandang imahe nito.

Hindi na kailangang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pa ang magbigay ng kautusan upang maiayos ang mga maling patakaran at pwestuhan sa pambansang pulisya.