Home OPINION MATINDING GUTOM SA 2M BATANG PINOY

MATINDING GUTOM SA 2M BATANG PINOY

AYON sa United Nations International Children Emergency Fund, nakararanas ng matinding gutom ang nasa dalawang milyong batang Pinoy na nasa edad 5 pababa.

Hindi biro-biro ang ulat na ito, kung totoo.

Sa nasa 100 bansang pinag-aralan ng UNICEF, kabilang ang Pilipinas sa 20 bansang may pinakamaraming matinding nagugutom na bata.

Ayon sa nasabing ahensya, may mga sukatan para ituring kung matinding nagugutom ang mga bata o hindi.

Dapat umanong sagana o sapat man lang ang iniinom at kinakain nila na gatas ng ina; butil ng gabi at iba pa; nut and seeds; gatas mula sa mga hayop; isda at karne at itlog; prutas at gulay na mayaman sa Vitamin A at iba pang gulay.

Pero kapag dalawa o mas kokonti ang kinakain at inuulam nila, dito sila itinuturing na may matinding gutom.

Ang masaklap pa, madalas na mga sofdrink at chichiria ang ipinapalit na pagkain sa mga bata.

Ito’y dahil sa katotohanang ang mga inumin at tsibug lang ang malasa at medyo mura at kahit saang sari-sari store nabibili.

Pero ang malungkot talaga, nagmumula ang mga nagugutom na bata sa talagang mahihirap na pamilya.

At dahil dito, bagsak ang kalusugan, bansot at bobo ang mga ito.

Sa huli, sa mga oportunidad sa buhay, panghuli sila sa listahan.

Ayon sa UNICEF, maganda ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil suki nito ang mahihirap na pamilya na kinapapalooban ng marami sa 2M may matinding gutom.

Ninanais umano ng programa na mahatiran ng de-kalidad at murang pagkain ang mga bata.

Bukod dito, mabibigyan din ang mga bata ng kailangan nilang nutrisyon at sa kayang halaga sa bisa ng 2023-2028 Plan of Action for Nutrition.

Sana nga, mabigyan nang hustong atensyon ang mga batang Pinoy.

At magagawa lang ito kung seryoso ang pamahalaan na iangat sa buhay ang halos kalahati ng mahigit 100 milyong Pinoy.