Home OPINION LA NIÑA NA KAYA MAGHANDA

LA NIÑA NA KAYA MAGHANDA

NOONG kasagsagan ng tag-init, sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Atmospheric Services Administration na hanggang Agosto ang El Niño.

Pero nitong nagdaang araw, ipinahayag ng nasabing ahensya na tapos na ang El Niño at nagsimula na rin ang La Niña.

Kaya tag-ulan na, may kakambal pang higit na pag-ulan dahil sa La Niña, iba pa ang dulot ng habagat.

Kaya, asahan na nating darating ang masusungit na panahon.

‘Yun bang === pagkakaroon ng mga bagyo at siyam-siyam na ulan na magdudulot ng mga baha, landslide, tsunami at iba pa.

Pero ang mismong mga bagyo, may dala ring sariling pwersa na mamerhuwisyo gaya ng dala nitong malalakas na hangin at may kasama pang tornado ang ilan.

Tornado ang tawag sa ipo-ipo na napakalakas na umiikot na hangin na karaniwang may kasamang ulan at kayang higupin paitaas at sirain ang lahat ng madaraanan nito.

Walang sinasanto ang tornado maging ang mga matitibay na puno, gusali, sasakyan, kalabaw, bangka at iba pa at inililipad ang mga ito at ibabagsak kung saan-saan sa paghina at pagkawala nito.

Ganyan katindi ang pagdating ng tag-ulan, La Niña at habagat.

PAGHAHANDA NASAAN?

Hindi kaila na naghahanda na ang pamahalaan, nasyunal at lokal, laban sa pagdating ng masamang panahon.

May mga LGU, partikular sa Metro Manila at mga karatig probinsya, na nagsasabing handa na sila para kamtin ang pinakamaliit na pinsala pagdating na masamang panahon, gaya ng Quezon City sa ilalim ni Mayora Joy Belmonte.

Sa Marikina City sa ilalim ni Mayor Marcy Teodoro, sinasabing kahit papaano, ang baha na siyang kinatatakutan ng marami sa lungsod ay inaasahang hindi na gaanong mapaminsala dahil sa ginagawang pagpapalalim sa Marikina River upang lumabas nang maaliwalas ang tubig-baha sa dapat na mga hantungan nito.

Ang Navotas at Malabon, lumalabas na hindi na gaanong nababaha sa rami ng mga pumping station nila na nagpapalabas ng mga tubig-baha patungon sa Manila Bay.

Ang ibang mga lugar kaya, tulad ng Manila, gaano na ba ito kahanda?

Laging sakit sa ulo ang Taft Avenue na kung bumaha ay gayun na lamang at milyong tao lagi ang napiperwisyo rito ng kung ilang oras makaraang bumuhos ang napakalakas at matagal na ulan.

Ang pagbabalik ng istayl-Ondoy na bagyo at baha, nasaan na ang mga paghahanda?

SA LABAS NG MEGAMANILA

Sa mga lalawigan, ang mabubundok na lugar gaya ng Cordillera, laging tinatamaan ng mga landslide.

Ano naman kaya ang kanilang mga paghahanda?

At ang Mindanao, kung saan-saan nagaganap ang matitinding mga pagbaha at landslide, paano naman kaya ang kanilang mga paghahanda?

Ang eastern Visayas at Kabikolan na laging tinutumbok ng mga bagyo, paano naman kaya ang kanilang mga paghahanda sa landslide, baha at bangis ng hangin ng mga bagy?

Ang Cagayan Valley na lagi ring dinadapurak ngayon ng napakalalakas na baha dahil sa kalbong mga kabundukan sa Sierra Madre at Cordillera, ano-ano na ang kanilang mga paghahanda?

Sana handa na ang lahat laban sa mga kalamidad tag-ulan.